Tumula Tayo, Bayan Ko Mga Tula ni Jeffrey Roden

Pak! Pak!
Dalawang putok ng pag-aalangan
Pak! Pak! Pak!
Tatlo pa’t halang na sa patayan

Bumulagta na siya sa bagong-build-build-build na lansangan
Sumisirit ang dugo mula sa gripo na binutas ng bala
Usap-usapan nila’y pusher, sabi naman ng iba’y napagkamalan
Sa’ting lipunan, baril at bala na ba ang huhusga?

Three to six months lang daw tapos ang suliranin
Sa bawal na gamot siya daw ang susugpo
Mag-aanim na taon na, hindi daw kaya umamin rin
Kaawa-awang mga umasa dahil sa pangako

Naririnig pa ba natin ang hinagpis at kalungkutan
Ng mga magulang at kapatid ng mga nanlaban?
Babanlian ba natin ang kaluluwa ng bayan
Ng dugo’t buhay ng ating mga kababayan?

Pak! Pak!
Tumula tayo, bayan ko’t tubusin
Ang pamanang karangalan ng lahi na sinanla natin
Pak! Pak! Pak!… Pak! Pak! Pak!
Pak! Pak! Pak! Pak! Pak!