Tuwing ika-12 ng HUNYO taun-taon ay ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang ARAW NG KALAYAAN o INDEPENDENCE DAY. Ito ang araw noong 1898 na kung saan idineklarang malaya na ang Pilipinas sa bahay ni Heneral Emilio Aguinaldo sa mga Espanyol. Dito rin unang nasilayan ng madla ang WATAWAT NG PILIPINAS na iwinagayway ng Heneral na may pagmamalaki at kagalakan. Ang taong 2021 ay ang ika-123 na anibersaryo simula noong makasaysayang araw na iyon sa Cavite Viejo (Kawit, Cavite) na kung saan sa pagitan ng bandang alas-4 hanggang alas-5 ng hapon ay idineklara ang Kalayaan ng Pilipinas kasabay ng pagwagayway ng bandila at pagtugtog ng Pambansang Awit.

Narito ang iilan sa mga “lesser known” facts sa araw na ito ng ating kasaysayan:

  1. Sa bintana ng bahay ni Aguinaldo at hindi sa balkonahe niya ibinandila ang watawat. Ang balkonahe na makikita sa ngayon sa bahay niya sa Kawit ay wala pa noong panahon na iyon.
  2. Ang mga kababaihan sa Hong Kong na nagtahi at nagburda sa watawat ay sina MARCELA AGONCILLO, LORENZA AGONCILLO, at DELFINA HERBOSA de NATIVIDAD na pinagpuyatan at pinagpaguran nilang tapusin sa loob lamang ng limang araw.
  3. Ang pambansang awit na komposisyon ni Julian Felipe ay itinugtog ng bandang SAN FRANCISCO DE MALABON na galing sa Malabon, Cavite na ngayon ay kilala na bilang GENERAL TRIAS, CAVITE.
  4. Ang orihinal na Pambansang Awit ng Pilipinas na “Marangal na Dalit ng Katagalugan” na ipinagawa ni Andres Bonifacio kay Julio Nakpil noong 1897 ay pinapalitan ni Emilio Aguinaldo kaya kinausap niya si Julian Felipe noong 5 June 1898 tungkol dito.
  5. Si Julian Felipe ay kumuha ng inspirasyon sa pinagbasehan niyang tatlong musika – ito ang mga sumusunod:
  1. MARCHA REAL – ang national anthem ng ESPANYA
  2. LA MARSEILLAISE – ang national anthem ng PRANSYA
  3. GRAND MARCH – mula sa opera na gawa ni Giuseppe Verdi na AIDA
  1. Ang 12 June ay anibersaryo rin kung tutuusin ng ating PAMBANSANG WATAWAT at ng PANGALAWA o second nating PAMBANSANG AWIT.
  2. Ang orihinal na watawat ay gawa sa magandang seda o fine silk, ang araw nito na may walong silay o rays ay may mukha, at dark blue ang kulay ng upper stripe ng watawat.
  3. Ang tatlong bituin sa watawat ay sumisimbolo sa LUZON, PANAY, at MINDANAO – ang tinaguriang tatlong mahahalagang mga isla ng Pilipinas noong panahon na iyon.
  4. Ayon sa sulat ni Aguinaldo kay Kapitan Baja noong 11 June 1925 base sa kanyang pagkaalala, ang orihinal na watawat ay nawala niya sa bayan ng TAYUG sa PANGASINAN habang sila ay tumatakas pataas sa Norte mula sa mga tumutugis na puwersang Amerikano at hanggang ngayon ay wala nang balita kung nasaan na ang bandila.
  5. Ang orihinal na simbolo sa ating watawat ay ang mga sumusunod:
  1. PUTING TATSULOK o WHITE TRIANGLE – ito ay bilang pagkilala sa KATIPUNAN na siyang nagpasimuno sa pag-aaklas ng bayan para sa kalayaan.
  2. TATLONG BITUIN o THREE STARS – nagrerepresenta ng LUZON, PANAY, at MINDANAO.
  3. ARAW NA MAY WALONG SILAY o 8 RAYED SUN – simbolo ng WALONG PROBINSYA na unang inilagay sa Martial Law ng Gobernador Heneral ng Espanya at kalaunan ay nag-aklas nang tuluyan:  MAYNILA, CAVITE, BULACAN, PAMPANGA, NUEVA ECIJA, BATAAN, LAGUNA, at BATANGAS.
  4. PULA, PUTI, at BUGHAW o RED, WHITE and BLUE – pagkilala at pagbibgay parangal bilang pasasalamat sa pagtulong o pakikipag-alliance ng ESTADOS UNIDOS NG AMERIKA para labanan ang mga Espanyol.

To be continued…